SA MACONACON, ISABELA – Karagdagang 5-man team na pawang mga kawani ng Rescue Team ng Maconacon ang nagsasagawa na ng ground search sa nawawalang Cessna 206 na mayroong sakay na anim katao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Municipal Disaster Rick Reduction Management Officer Butch Bartolome ng Maconacon, Isabela na matapos nilang malaman na mayroong nawawalang eroplano ay nakipag-ugnayan na rin sila sa mga daraanan ng eroplano bago lumapag sa kanilang bayan.
Ang 5-man team na kabnilang binuo ay gagalugarin ang malayong Barangay Sapinit, Maconacon na dinadaanan ng mga eroplano bago lumapag sa paliparan sa kanilang bayan.
Kinakailangan anyang maglakad ng dalawang oras ang 5-man team bago marating ang sentro ng barangay Sapinit para doon sila magsisimulang maghanap nawawalang eroplano.
Inaasahang mag-uulat ang 5-man team sa resulta ng kanilang paghahanap ngayong araw.
Samantala, inihayag pa ni MDRRM Officer Bartolome na kanselado na ang flight ng mga eroplano mula Cauayan Airport patungong bayan ng Maconacon dahil sa masamang panahon dulot ng malakas na hanging amihan.
Inaasahang pag-uusapan ng Sangguniang Bayan kung tuluyan nang kanselahin ang biyahe ng mga eroplano patungong Moconacon, Isabela.
SA DIVILACAN, ISABELA – Tatlong team ang ipinakalat sa nasabing bayan upang maghanap sa nawawalang Cessna 206 na may tail number RP-C1174 na may sakay na anim katao kabilang ang piloto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Ezikiel Chavez ng Divilacan, Isabela na sinimulan na ng MDRRC Divilacan ang search and rescue sa posibleng daanan ng nawawalang Cessna 206.
Sinabi ni MDRRM Officer Chavez na nagsagawa ng search and rescue sa Ilagan- Divilacan Road at batay sa pagtatanong nila sa mga Dumagat ay sinabi nilang wala silang napansin na eroplanong lumipad noong Martes ng hapon
Katuwang ng MDRRMC Divilacan ang mga sundalo sa pagsasagawa ng ground search at kalat kalat ang kanilang isinasagawang operasyon.
Nahihirapan sila sa kanilang operasyon dahil sa hindi magandang lagay ng panahon ngunit tatlong team ngayon ang binuong naghahanap sa mga barangay ng Dicambangan, Sapinit at Dacaroyan sa bayan ng Divilacan.
Ang composite team ay kinabibilangan ng mga, rescuer, kawani ng RHU, PNP at BFP.