Nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa lungsod ng Santiago sa kabila ng naitalang minimal na pagtaas, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) Santiago City Satellite Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Lovell Mark Campania, Senior Trade and Industry Development Specialist ng DTI Santiago City Satellite Office, sinabi nito na patuloy ang kanilang buwanang monitoring sa basic necessities at prime commodities upang matiyak ang tamang presyo sa merkado.
Ayon sa kanya, sa pinakahuling monitoring ay may bahagyang pagtaas sa presyo ng ilang bilihin, subalit nananatiling stable ang prevailing price ng mga ito.
Dagdag pa niya, hindi pa nararamdaman sa kasalukuyan ang epekto ng kamakailang pagtaas ng presyo ng langis sa mga pangunahing bilihin.
Sinabi rin ni Campania na sapat pa ang suplay ng mga pangunahing produkto sa lungsod kaya’t hindi nagkakaroon ng kakulangan sa merkado.
Gayunman, inihayag nito na may ilang establisimyento na ang nakatanggap ng abiso mula sa kanilang mga supplier hinggil sa posibleng pagtaas ng presyo sa mga susunod na araw.
Paliwanag niya, nananatiling minimal ang pagtaas sa ngayon dahil may sapat pang stock ang mga negosyo.
Patuloy namang pinaalalahanan ng DTI ang mga mamimili na maging mapanuri sa kanilang binibili at agad ireport ang anumang paglabag sa itinakdang presyo upang maprotektahan ang kanilang karapatan.











