Nasawi ang isang retiradong empleyado ng gobyerno habang sugatan ang kanyang asawa matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Zone 2, Koronadal City, pasado alas-7:25 ng umaga ngayong Miyerkules, Agosto 13.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Engr. Kesse Junsan, 64 anyos, retired government employee, habang ang sugatan ay ang kanyang asawa na si Maria Lourdes Miguel Junsan, 60 anyos.
Kapwa sila residente ng Purok Everlasting, Doña Soledad, Barangay Zone 2, sa nasabing lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, magkasama sa isang Bajaj na motorsiklo ang mga suspek nang lapitan at pagbabarilin ang mag-asawa habang sakay ng kanilang sasakyan.
Agad tumakas ang mga salarin patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Dindo Fernandez, residente sa lugar sinabi nitong napakabilis ng insidente at hindi nakilala ang mga suspek dahil kapwa nakasuot ng helmet.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Koronadal City PNP upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa krimen.
Inaalam din kung may CCTV sa paligid na makatutulong sa pagtukoy sa mga responsable sa pamamaril.
Source: via Bombo Radyo Koronadal





