CAUAYAN CITY – Isinusulong ng isang retiradong heneral ng Philippine National Police o PNP ang edukasyon sa mga motorista kaugnay sa batas lansangan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ret. Gen. Jimmy Rivera na may ipinalabas na Executive Order No. 18 noong 2014 ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela. Ito ay sa kapanahunan pa ni dating Governor at ngayo’y Vice Governor Bojie Dy.
Aniya, sa naturang Executive Order ay inaatasan ang mga pulis kasama ang mga liga ng mga barangay, at Land Transportation Office na hulihin ang mga menor de edad na nagmamaneho lalo na ang mga estudyante dahil wala pa silang lisensya.
Kung mayroon man silang student permit na hawak ay hindi ibig sabihin nito ay pwede na silang magmaneho dahil dapat mayroon pa ring naggagabay sa kanila na professional driver.
Ayon kay Ret.Gen. Rivera, noong nakaraang taon ay nakipag-ugnayan siya sa pulisya para mahigpit na ipatupad ang Executive Order No. 18.
Uunahin aniya itong ipapatupad sa mga barangay at tutukuyin ang mga opisyal ng barangay ang mga may motorsiklo at kapag natukoy na sila ay kakausapin ng mga otoridad ang mga estudyante na may motorsiklo sa mga paaralan.
Tutukuyin din aniya ang mga daan na walang ilaw at kakausapin nila ang mga local chief executives para malagyan ito ng ilaw.
Aniya, sa mga susunod na araw ay magkakaroon sila ng conference para ito ay mapag-usapan.
Binigyang diin ni Ret.Gen. Rivera na ang pagbibigay ng mga magulang sa kagustuhan ng kanilang anak na magkaroon ng motorsiklo kahit menor de edad pa ay parang pagbibigay na rin sa kanila sa bingit ng kamatayan.
May karapatan aniya ang bawat tao na bumili ng gamit o sasakyan pero mayroon itong kaakibat na obligasyon at sa paggamit sa lansangan ay may mga batas na kailangang sundin para sa kaligtasan ng ibang gumagamit sa kalsada.