Inararo ng isang lasing na retiradong sundalo na lulan ng lumang kotse ang ilang sasakyan sa Cauayan City na nagresulta sa pagkasugat ng ilang indibidwal.
Batay sa ulat ng kapulisan, minamaneho ng suspek ang isang puting toyota Corola nang magsimula ang insidente sa bahagi ng Cauayan Airport, kung saan unang sinalpok nito ang isang tricycle na may sakay na dalawang pasahero at minamaneho ng isang driver na residente ng Barangay Mabantad, Cauayan City .
Ayon sa mga saksi, bigla umanong inararo ng sasakyan ang tricycle dahilan upang tumaob ito at nayupi ang itaas na bahagi.
Agad namang isinugod sa ospital ang drayber at ang dalawang pasahero ng tricycle upang mabigyan ng lunas.
Matapos nito, isang motorsiklo naman ang nabangga ng suspek malapit sa Rizal Park sa lungsod ng Cauayan kung saan ang biktima, isang lalaki na residente ng Reina Mercedes, ay tumilapon sa kalsada habang nadamay rin ang isang land cruser na nasa likuran nito.
Nagpatuloy pa sa pagmamaneho ang suspek at sinalpok ang isang L300 van sa tapat ng isang kilalang mall, lulan naman ng van ang 16 katao, apat dito ay bata at 12 ay matatanda, pawang mga residente ng Angadanan, Isabela.
Ayon sa mga biktima, galing sila sa isang binyag sa Villa Luna nang banggain ang kanilang sasakyan habang binabaybay ang maharlika highway .
Dahil sa insidente napinsala ang harapang gilid ng van, ngunit wala namang naiulat na nasugatan.
Huli namang nahagip ang isang Nissan Navara na nakaparada sa harap ng isang drugstore malapit sa isa pang malaking mall sa lungsod. Wala ring naiulat na nasaktan sa insidenteng ito.
Matapos ang sunod-sunod na banggaan, tumakas ang suspek at umikot sa bahagi ng Alicaocao Bridge, subalit nahabol at naaresto rin siya ng mga awtoridad pagkalagpas ng tulay.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at hindi pa makausap dahil umano sa kalasingan.
Inaasahan namang magkakaroon ng pormal na pag-uusap sa pagitan ng suspek at mga biktima sa mga susunod na araw upang matukoy ang pananagutan at ang mga kasong isasampa laban sa kanya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan upang malaman ang kabuuang pinsala at iba pang detalye ng insidente.











