--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang retiradong sundalong lulan motorsiklo matapos na aksidenteng mabangga ang isang pedestrian at sumalpok pa sa poste ng kuryente sa Brgy. Don Mariano Perez, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Dennis Baroma Gutierrez, Patrol Supervisor ng Bayombong Police Station, sinabi niya na una silang nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay sa insidente kung saan nabangga ng isang single motorcycle ang isang estudyante.

Napag-alaman na tumatawid ng Provincial Highway ang biktima nang masalpok siya ng paparating na motorsiklo.

Ang biktima ay isang 21-anyos na estudyante habang ang nakabangga ay si Tomas Ampat, 62-anyos at retiradong sundalo.

--Ads--

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima ng mahigit limang metro habang ang rider ay sumalpok pa sa poste ng kuryente.

Ayon sa estudyanteng biktima nakita niya ang paparating na motorsiklo subalit dahil inakala umano niyang malayo pa ito ay ipinagpatuloy niya ang pagtawid sa pedestrian lane.

Dahil sa walang suot na helmet ay napuruhan sa ulo ng retiradong sundalo na binawian ng buhay sa pagamutan habang nilalapatan ng lunas.

Habang patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang estudyante dahil sa mga natamo nitong sugat sa katawan.

Idinagdag pa ni PLt. Gutierrez may mga signage naman ng speed limit sa lugar subalit madalas umano itong hindi pinapansin ng mga motoristang dumadaan.