--Ads--

Nasakote ng mga awtoridad ang isang most wanted person na nahaharap sa kasong Rape in relation to Republic Act No. 7610 sa isang operasyon sa Barangay Patul, Santiago City noong Disyembre 12, 2025.

Sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng iba’t ibang unit ng Santiago City Police Office (SCPO) at intelligence units, matagumpay na naisilbi ang warrant of arrest laban sa suspek na isang retiradong sundalo na matagal nang pinaghahanap ng batas at walang inirekomendang piyansa ang kaso.

Ayon sa pulisya, ang pagkakaaresto ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person, lalo na ang mga sangkot sa mabibigat na krimen laban sa kababaihan at kabataan.

Matapos ang pag-aresto, agad na ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at isinailalim sa standard booking procedure.

Binigyang-diin ng SCPO na ang operasyon ay patunay ng kanilang patuloy na pagtutok sa paghahatid ng hustisya at sa pangangalaga sa kaligtasan ng komunidad, kasabay ng paninindigang walang puwang sa lipunan ang mga lumalabag sa karapatan ng kababaihan at kabataan.

--Ads--