
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang retiradong sundalo sa karambola ng tatlong sasakyan sa Buenavista, Santiago City.
Ang nasawi ay si Edwin Sangbaan, 56 anyos, tsuper ng motorsiklo, may asawa at residente ng Abra, Santiago City.
Ang iba pang sangkot na sasakyan ay isang Toyota Innova na minaneho ni Johnmar Aggalot, 33 anyos, magsasaka at residente ng Buenavista, Santiago City at isang Mitsubishi L300 van na minaneho ni Junino Pilla, 41 anyos, tsuper at residente ng Diadi Nueva Vizcaya.
Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, patawid ang motorsiklo ni Sangbaan sa nasabing Bypass Road patungong Barangay Ambalatungan, Santiago City.
Patungong Sinsayon, SantiagoCity naman ang L300 van ni Pilla na patungong kaliwang direksyon ngunit bahagyang nagmenor ito upang magbigay daan sa kotse na nasa kasalungat na direksiyon
Bigla umanong pumasok sa linya ni Pilla ang motorsiklo ni Sangbaan dahilan para nasalpok niya ang biktima.
Iniiwas ni Pilla ang kaniyang sasakyan ngunit nahagip ang kotse ni Aggalot na nasa kasalungat na direksyon.
Nagtamo ng malalang sugat sa ulo at katawan si Sangbaan na agad dinala sa malapit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.










