CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kosndisyon ang isang retiradong pulis matapos itong pagbabarilin ng sariling kainuman sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na alas kuwatro ng hapon ng maganap ang pamamaril sa isang retiradong pulis na 74 anyos at ang suspek ay ang mismong kainuman nito.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng Dupax Del Norte Police Station na habang nagkakasiyahan at nag-iinuman ang biktima at suspek ay nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo.
Dahil dito ay bumunot ng isang caliber 40 na baril ang suspek at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kamay at tiyan.
Agad dinala ang biktima sa Region 2 Trauma and Medical Center kung saan siya isinailalim sa operasyon.
Sa ngayon ay nasa Intensive Care Unit ang biktima .
Samanatala, makalipas ang apat na oras ng hot pursuit operation ng Pulisya ay sumuko sa himpilan ng Pulisya ang suspek kasama ang kaniyang may bahay at opisyal ng Barangay ng Dupax Del Sur bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Napag-alaman na nag-ugat ang away ng magkainuman matapos umano silang mag desisyon na lumipat ng lugar at pinagtanulan kung sino umano ang sasagot o gagastos.
Nakuha naman sa lugar ng pinangyarihan ang dalawang basyo ng bala ng caliber 40 subalit hihintayin pa ang pormal na medical result ng biktima mula sa pagamutan.
Hinihikayat naman ni PMaj. Villar ang lahat ng mga nag-iingat ng baril na walang lisensya at dokumento na ipasakamay na lamang ito sa Pulisya para hindi matukso na gamitin sa anumang uri ng krimen.