CAUAYAN CITY – Nakarating na ang Retrieval Team kaninang alas otso ng umaga ngayong March 11, 2023 sa crash site sa dalisdis ng Ditarum, Divilacan, Isabela.
Naging balakid sa mabilis nilang pagdating sa lugar ang madulas na daan sa bundok bunga ng pag-ulan.
Ang mga labi ng piloto at 5 na pasahero ng Cessna 206 plane ay ilalagay nila sa malaking plastic bags bago ilagay sa mga cadaver bag.
Dadalhin ng retrieval team ang kanilang mga labi sa Divilacan, Isabela upang doon susunduin ng chopper ng Philippine Air Force (PAF) at dadalhin sa Tactical Operations Group 2 (TOG2) sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Constante Foronda,commander ng Incident Managament Team (IMT) na may prosesong gagawin ang mga tagasiyasat bago dalhin sa punerarya upang maisaayos ang mga labi ng mga biktima.
Kapag nailagay na sa kabaong ang labi ng mga biktima ay ipapasakamay na sa kanilang mga pamilya para maiuwi at ilibing sa kanilang mga lugar.