CAUAYAN CITY – Inaasahang magkakaroon ng RFID Caravan dito sa lunsod ng Cauayan para sa mga mamamayan o byaherong nagtutungo sa Maynila at dumadaan sa mga expressways.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy ng lunsod ng Cauayan sinabi niya na magsisimula sa ikadalawampu hanggang ikadalawamput dalawa ng Enero ang nasabing RFID Caravan at sa Cauayan Sports Complex ito gaganapin.
Ayon kay Mayor Dy, noong nakaraang buwan pa sila nakipag-ugnayan sa dalawang RFID Providers partikular ang Autosweep at Easytrip RFID at naunang sumagot at nakapagpa-schedule ang Autosweep na siyang nag organisa sa nasabing Caravan.
Aniya nakipag-ugnayan na rin sila sa pamahalaang panlalawigan para ito mapakinabangan hindi lang ng mga taga cauayan kundi sa buong Rehiyon na rin.
Ito ay para hindi na mahirapan ang mga taga rehiyon dos na magpakabit ng RFID dahil hindi na nila kailangang pumunta pa sa Maynila.
Aniya napili nilang venue ang sports complex dahil maluwang at magiging parang drive thru lamang at hindi makakapagdulot ng trapiko dahil iikot lamang ang mga magpapakabit o kumuha ng RFID.
Ayon kay Mayor Dy, OR at CR lamang ng sasakyan ang kailangan sa pagpapakabit ng RFID.
Inaasahan namang simultaneous ang pagsasagawa ng pagpapakabit upang matugunan ang lahat ng mga magpupunta upang kumuha ng RFID.