--Ads--

CAUAYAN CITY – Inireklamo ng ilang rice farmers ang mga hindi magsasakang nakatanggap ng binhi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rodel Francisco, ang nagrereklamong magsasaka sa Brgy. Nagrumbuan, sinabi niya na nasa dalawandaang bags ng binhi ang nakaallocate sa kanila ngunit ang ikinalat lamang umano sa mga magsasaka ay isandaan at limampung bags.

Aniya umaabot sa apat na raan ang bilang ng magsasaka sa kanilang barangay kaya ang dalawandaang bags ng binhi ay kulang na para sa kanila.

Mababawasan pa umano ito ng limampung bags para lamang sa mga barangay officials na dapat sana ay para sa mga magsasaka.

--Ads--

Isa dapat siya sa mga makakakuha ngunit naabutan ng cut off ang kanyang asawa sa pamamahagi ng binhi kaya wala siyang nakuha.

Reklamo ngayon ni Ginoong Fransisco, bakit makakakuha ang mga hindi naman magsasaka at mga barangay officials pa.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Rodel Fransisco.

Sa naging panayam naman ng Bombo RadyoCauayan kay Brgy Kapitan Nena Velasco, humingi siya ng paumanhin dahil nagkamali siya sa sinabing bilang ng naipamahaging binhi sa kanyang mga kabarangay.

Aniya dapat ay dalawandaan ang kabuuang bilang ng binhing naipamahagi nila ngunit isandaan at limampu ang kanyang nasabi.

Hindi naman itinanggi ni Kapitana Velasco na may dalawang kagawad at isang tanod na nakakuha ng binhi kahit sila ay walang sinasaka.

Maging siya ay nakakuha rin ng dalawang bags ng 15 kilos ng binhi.

Aniya dalawa lang naman umano sa mga brgy officials ang nakatanggap at handa rin nilang ibalik ito kung kinakailangan.

Ang bahagi ng pahayag ni Kapitan Nena Velasco ng Nagrumbuan, Cauayan City

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Vilma Gammad, Technician ng City Agriculture Office, sinabi niya na hindi niya alam na may nakakuhang brgy officials na walang sinasaka o hindi kasali sa RSBSA.

Aniya 240 bags ang alokasyon ng Brgy. Nagrumbuan at ang apatnapung bags dito ay una nang naipamahagi kaya 210 bags ang natira na kanilang ipinamahagi sa 2nd batch.

Dahil hindi mabibigyan lahat ang mga magsasaka bunsod ng kakulangan ng suplay ng binhi ay ginawang first come first serve ang pamamahagi.

Ayon kay Ginang Gammad kanyang aalamin kung sino ang mga brgy officials na nakatanggap kahit walang sinasaka upang ipabalik ang binhing naibigay sa kanila at ibigay sa mga dapat mabigyan.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginang Vilma Gammad ng City Agriculture Office.