CAUAYAN CITY – Binatikos ng presidente ng Rice Millers Association sa region 2 ang Department of Agriculture (DA) sa paninisi sa kanila na kaya mataas pa rin ang presyo ng bigas sa merkado ay dahil sa ginagawa nilang hoarding o pagtatago ng suplay ng bigas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Ernesto Subia, presidente ng Rice Millers Association sa region 2 na hindi sila puwedeng magtago ng suplay ng bigas dahil malulugi sila lalo na’t hirap sila na maibenta ang kanilang kiniskis na bigas sa Metro Manila dahil sa pagbaha ng mas murang imported rice.
Iginiit ni Mr Subia na balitang kutsero at paninira sa rice industry ang pinapalabas na 7 hanggang 10 piso bawat kilo ng palay na pagbili ng mga rice trader.
Aniya, binibili nila ngayon ng 17 hanggang 17.50 pesos ang bawat kilo ng dry na palay habang ang sariwa ay 13 hanggang 14 pesos bawat kilo.
Iginiit ni Subia na dapat ang mga opisyal ng DA ay huwag lang manatili sa kanilang mga airconditioned na opisina kundi lumabas sila at magsagawa ng survey para malaman ang tunay na presyo ng bentahan ng palay lalo na sa Isabela.
Nagbabala si Mr. Subia sa mga rice millers na binabarat ang presyo ng palay na kakanselahin ang kanilang lisensiya.
Aniya, nakiusap sila sa mga mayor na kapag may rice millers sa kanilang lugar na niloloko ang mga magsasaka ay tanggalan sila ng lisensiya.
Hiniling ni Mr. Subia sa publiko na isumbong sa kanilang mayor kapag may mga trader na binabarat ang kanilang palay lalo na ng mga Chinese trader.
Hindi dapat aniya na pinapayagan ang mga Chinese na haluan ng kagaguhan ang kanilang pagbili ng palay sa bansa.
Binigyang-diin ni Mr. Subia na ang darak na by-product ng palay ay 12.70 ang presyo kada kilo kaya hindi puwedeng mas mababa dito ang presyo ng kada kilo ng palay
Sinabi pa ni Mr. Subia na malaki rin ang epekto ng Rice Tariffication Law sa kanila dahil hirap na silang ibenta sa kanilang mga suki sa Metro Manila ang kanilang bigas.
Mas inuuna na ng mga wholesaler ang mga imported na bigas.
Iginiit din niya na hindi nila puwedeng itago ang kanilang suplay dahil kailangan nila ang pampasahod sa kanilang mga manggagawa at may binabayaran silang utang sa bangko.