CAUAYAN CITY – Mayroon nang natukoy na pinaghihinalaan sa panloloob at pagtangay sa isang milyong pisong salapi na laman ng vault sa opisina ng isang rice mill sa Nungnungan 2, Cauayan City.
Isasailalim sa lie detector test ang ilang tao sa rice mill sa pamamagitan ng paghingi ng tulong ng mga imbestigador ng Cauayan City Police Station sa Campo Crame para sa gagamiting machine.
Una rito ay natuklasan ng secretary ng Rice mill na si Gerlie Palagito na pinasok ang kanilang opisina nang makitang magulo ang loob nito at binutas ang pader ng gusali.
Tinatayang nasa P1M ang laman ng sinirang vault maliban pa sa mga nawawalang mahahalagang dokumento.
Ang rice mill ay pag-aari ng chinese na si Cherry Lao, 37 anyos, may asawa at residente ng naturang baragay.
Ayon pa sa mga otoridad, maaaring nasa apat o higit pa ang nanloob sa rice mill dahil hindi kayang buhatin ng iiisa o dalawang tao ang vault.
May guwardiya at ang binutas na pader ay malapit lang sa kanyang puwesto.
Mayroon nang itinuturing na suspek ang mga otoridad pero hindi muna isinapubliko ang kanilang pagkakakilanlan habang patuloy ang kanilang pagsisiyasat at pangangalap ng karagdagang ebidensiya.




