--Ads--

‎Nasawi ang isang 23-anyos na babae matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang van sa kahabaan ng Provincial Road sa Barangay Sta. Luciana, Cauayan City, bandang alas-10:30 kagabi, Oktubre 26.

‎Kinilala ang biktima na Jessica, residente ng Barangay San Antonio, Cauayan City, at driver ng Yamaha Mio Sporty

‎Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, minamaneho ni Jessica ang kaniyang motorsiklo patungong silangang bahagi ng Sta. Luciana Proper, habang kasalubong naman nito ang Mitsubishi L300 van na minamaneho ni Kim Gerald Esguerra, 32-anyos, residente rin ng Barangay San Antonio.

‎Sa inisyal na pagsisiyasat, binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkabilang direksyon ng kalsada nang mawalan ng kontrol si Jessica matapos umanong bumilis ang takbo ng kaniyang motorsiklo sa paakyat na bahagi ng kalsada dahilan upang bumangga sa paparating na van sa kabilang linya.

--Ads--

‎Nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Jessica na agad isinugod sa pagamutan ng mga kasapi ng Rescue 922, ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.

‎Pareho namang nagtamo ng pinsala ang mga sangkot sasakyan.

‎Ang driver ng L300 van ay nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya hinggil sa insidente.