--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos na sumabit sa cable wire ang minamaneho nitong motorsiklo sa National Highway, na bahagi ng Brgy. Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay si Aldrine Ace Mariñas at residente ng Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Manny Paul Pawid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO na bukod sa motorsiklo ni Mariñas ay sangkot din ang isang tricycle na minaneho ni Jestoni Aquino, dalawampu’t limang taong gulang, binata at residente ng Roxas, Solano, Nueva Vizcaya at ang sakay nito ay si Chris Apolinar, apatnapu’t anim na taong gulang, may asawa at residente ng Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya at ang isa pang motorsiklo na minamaneho naman ni Ricolan Tacio at ang angkas nito ay si Allan Tacio na kapwa residente ng Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.

Binabagtas ng tatlong sasakyan ang daan patungo sa timog na direksyon at sinusundan ng biktima ang tricycle habang sumusunod naman sa kanya ang motorsiklo na minamaneho ni Tacio.

--Ads--

Pagdating sa pinangyarihan ng aksidente ay may nahulog na cable wire na nabangga ng tricycle at sinundan din ng dalawang motorsiklo na naging dahilan ng aksidente.

Itinakbo sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival si Mariñas dahil sa tinamo nitong hiwa sa leeg.

Ayon kay PCapt. Pawid, nakakabit sa poste ang cable wire at batay kay Aquino ay nakita umano niya ang cable wire na biglang nahulog.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa pangyayari at inaalam kung sino ang may-ari sa naturang kable.

May pananagutan naman aniya ang may-ari ng kable dahil dapat inaayos nila itong mabuti para hindi maging dahilan ng aksidente.