Sugatan ang isang rider matapos masangkot sa vehicular accident na naganap sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Tagaran, Cauayan City, partikular sa tapat ng isang expert machine shop.
Batay sa ulat, sangkot sa insidente ang isang single motor na kulay puti at itim na minamaneho ni alyas ‘Jomar’, bente-sais anyos, binata at residente ng Barangay Dangan, Reina Mercedes, Isabela.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang bago ang insidente ay nakaparada at walang sakay ang mobile patrol na nakaharap sa northbound na direksyon ng kalsada. Habang binabagtas naman ng single motor ang nasabing kalsada patungong hilagang direksyon, aksidenteng bumangga ito sa hulihang bahagi ng mobile patrol.
Dahil sa banggaan, nagtamo ng pinsala sa ulo ang driver ng single motor. Agad siyang dinala ng Rescue 922 sa Isabela Doctors Medical Center para sa agarang gamutan. Samantala, hindi naman nasaktan ang driver ng mobile patrol.
Ayon pa sa ulat, parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan bunga ng insidente. Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang detalye at pananagutan kaugnay ng naturang aksidente.











