Mas paiigtingin ng Public Order and Safety Division (POSD) ang kanilang road clearing operations sa pag-uumpisa ng 2026 bilang tugon sa mabigat na daloy ng trapiko sa Lungsod lalo ngayong balik-eskwela na muli ang mga estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, layunin ng mas pinaigting na road clearing na maibsan ang pagsikip ng mga kalsada at matiyak na ang maayos na daloy ng mga sasakyan at pedestrian.
Aniya, kapansin-pansin ang pagdami ng mga sasakyan at tao sa lansangan sa oras ng pasukan at uwian ng mga estudyante dahilan upang mas tututukan nila ang pagpapatupad ng mga patakaran sa kalsada.
Sinabi pa niya na kasalukuyan nang isinasagawa ng POSD ang mga road clearing operations kung saan nililibot nila ang buong lungsod hindi lamang sa national highway kundi maging na rin sa provincial at barangay roads.
Tinututukan umano nila ang pagtatanggal sa mga nakahambalang sa kalsada gaya ng ilegal na nakaparadang sasakyan, mga istrukturang lumalagpas sa sidewalk at iba pang sagabal na nagiging sanhi ng pagsikip ng trapiko.
Dagdag pa ni Mallillin na mahalaga ang kooperasyon ng publiko upang maging matagumpay ang kanilang kampanya laban dito.
Hinikayat niya ang publiko pangunahin na ang mga sidewalk vendors at motorista na sumunod sa mga umiiral na ordinansa at huwag gawing paradahan ang mga bangketa.
Ang mas pinaigting na road clearing ay hindi lamang aniya para sa kaayusan ng trapiko kundi maging na rin ang kaligatsan ng lahat lalo na ng mga estudyante at pedestrian.





