CAUAYAN CITY- Light to moderate traffic na lamang ang nararanasan sa Diadi, Nueva Vizcaya matapos buksan sa publiko ang ilang mga alternatibong ruta papasok at palabas ng Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Public Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na tsaka na lamang nararanasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar pagsapit ng alas sais ng gabi hanggang gating gabi.
Ito kasi aniya ang mga oras na maraming dumadaan na mga pampasaherong bus at mga truck sa naturang daan dahilan kayat muling sumisikip ang daloy ng trapiko.
Simula ngayong araw ay ihihinto na muna pansamantala ang mga road construction sa bayan ng Diadi upang bigyang daan ang bugso ng mga biyahero na papasok at lalabas ng Region 2.
Patuloy pa rin naman sa ngayon pagbabantay at pagmamando ng trapiko ng mga personnel ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ngunit umaasa sila na kapag lumuwag na ang lagay ng trapiko sa lugar ay makakabalik na ang mga naka-deploy na pulis sa kani-kanilang mga himpilan.
Muli namang pinaalalahanan ni PMaj. Agagasid ang mga biyahero na mag-baon ng mahabang pasensya at disiplina upang hindi na lumala pa ang sitwasyon ng trapiko sa bayan ng Diadi.