CAUAYAN CITY- Bumaba ng 4.93% ang bilang ng road crash incident sa bayan ng Naguilan, Isabela ngayong 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Reynaldo Bautista, Deputy Chief of Police ng Naguilian Police Station, sinabi niya na simula Enero hanggang Agosto ay mayroon lamang naitalang 19 vehicular accident na kadalasang mga self-imposed accident.
Ito ay bunga umano ng mga ginagawa nilang interbensiyon upang maiwasan ang pagdami ng mga road accident sa kanilang nasasakupan gaya na lamang ng 24/7 na pagpapatrolya ng mga kakalsadahan maging ang pagsasagawa ng Oplan Tambuli upang mapaalalahanan ang mga motorista sa mga dapat at hindi dapat gawin tuwing nagmamaneho.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyales ng barangay na pagbawalan ang mga menor de edad na mga mag-aaral na magmaneho pangunahin na ang mga nagtutungo sa paaralan.
Samantala, 100% naman ang crime clearance efficiency ng Naguilian Police Station, nangangahulugan ito na solved na ang lahat ng mga krimen na naitala sa kanilang nasasakupan.
Mula Enero hanggang Agosto 2025 ay mayroong silang 20 na mga significant accomplishements na kinabibilangan ng Safe Keeping of Firearms, Confiscated Firearms, Illegal Logging atbp.
Tiniyak naman ni PLt. Bautista na nakasusunod ang kanilang himpilan sa 5-minute response time alinsunod na rin sa direktiba ni PNP Chief PGen. Nicholas Torre III.
Lahat aniya ng kanilang personnel ay may dalang radyo upang mas maging mabilis ang kanilang pag-responde sa mga naiuulat na insidente sa kanilang himpilan.











