CAUAYAN CITY- Kasama sa election ban ang mga aktibidad ng Land Transportation Office (LTO) Cauayan District kaya pansamantalang hindi magsasagawa ng road safety seminar at libreng theoretical driving course ang ahensya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Deo Salud, Chief ng LTO Cauayan District, sinabi niya na sa kabila ng kagustuhan nilang magsagawa ng mga libreng theoretical driving course at road safety seminar ngayon lalo na at marami pa rin ang nangangailangan nito, ay hindi naman nila pwedeng gawin.
Itutuloy na lamang ang mga aktibidad pagkatapos ng eleksyon kaya hinihikayat niya ang mga motorista na umantabay lamang sa mga nakalatag nilang programa.
Umaasa naman ang ahensya na naihanda na ng mga motorista sa Cabatuan, Luna, Cauayan, at Reina Mercedes ang kani-kanilang mga requirement sa susunod na magsasagawa ng libreng aktibidad ang ahensya.
Samantala, sa kabila ng election ban ay magpapatuloy naman ang kanilang serbisyo sa taumbayan.
Bukas pa rin aniya ang kanilang ahensya para sa mga motoristang gustong magpa lisensya o mag rehistro ng kanilang sasakyan.










