--Ads--

CAUAYAN CITY – Nangulekta ng mga bato bilang specimen sample ang Mines and Geo-sciences Bureau (MGB) sa Sitio Barikir, Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela para pag-aralan ang geological factor ng nangyaring pagguho ng lupa noong madaling araw ng ika-9 ng Hunyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jessa Amugauan, Science Research Specialist 2 ng MGB ng DENR Isabela na sa pagpunta nila sa naturang lugar ay napansin niya na masyado ng marami ang nakatira sa pababang bahagi ng lugar.

Batay din sa barangay kapitan ng Yeban Norte, mababaw ang tubig sa Sitio Barikir kaya lumambot ang lupa.

Sa pagsuri nila sa rock formation na pinatakan ng hyrdochloric acid ay bumula ang bato na indikasyong ito ay limestone.

--Ads--

Kilala ang limestone  na kapag nasa bulubunduking lugar ay nag-iipon ito ng tubig pero kapag napuno ay naglalabas din na nagiging dahilan ng pagguho ng lugar kung saan ito naroroon.

Tinig ni Jessa Amugauan.

Samantala, labis ang panlulumo ni Barangay Kagawad Danny Viernes sa pangyayari dahil isa rin ang bahay niya sa nasira.

Ayon sa kanya, masakit ang kanilang loob dahil ginagawa pa lamang ang kanilang bahay na ginagastusan ng kanyang anak na nasa ibang bansa.

Malapit na itong matapos at finishing at maglalagay na lamang ng tiles ang kulang.

Gayunman ay nagpapasalamat pa rin sila dahil walang nawalang buhay.

Naramdaman nila na tumunog ang yero ng kanilang bahay at may nag-cracked na pader kaya hindi na sila natulog at nagbaba na lamang sila ng kanilang mga gamit.

Aniya, ngayon lamang ito nangyari at kung may pagguho man ng lupa sa kanilang lugar noon ay hindi naman nadadamay ang mga kabahayan sa kanilang lugar.

Tinig ni Barangay Kagawad Danny Viernes.

Samantala, dalawa ang nakikitang dahilan ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) Isabela sa nangyaring pagguho ng lupa sa naturang lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ret. Gen. Jimmy Rivera, PDRRM Officer ng lalawigan ng Isabela na kinausap na niya ang MGB ng DENR Isabela na magsagawa ng imbestigasyon sa naturang pangyayari dahil wala namang ulan o lindol nang mangyari ang pagguho ng lupa.

Gayunman ay dalawa ang nakikita nilang dahilan sa pangyayari at una ay ang pagkakaroon na ng cracked sa lupa o puwede ring mahina ang pundasyon ng mga bahay.

Puwede naman aniyang magkaroon ng pagguho ng lupa kahit walang ulan kapag kalbo na ang bundok gaya na lamang ng nangyari sa Leyte noong 2006 na ikinasawi ng mahigit isang libong tao.

Sa ngayon ay patuloy ang paghihintay nila sa resulta ng isingasagawang imbestigasyon sa pangyayari.

Tiniyak naman niya na mahigpit ang pagbabantay sa lugar at wala ng pinapabalik na residente at kung mayroon man ay kukuha lamang ng gamit pero panandalian lamang.

Tinig niRet. Gen. Jimmy Rivera.