--Ads--

Nagpasalamat ang Rotary Club of Cauayan sa Bombo Radyo Philippines at Bombo Radyo Philippine Foundation Incorporated dahil sa Dugong Bombo bloodletting activity na taunang isinasagawa ng himpilan katuwang ang iba’t ibang ahensya at organisasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sherlon Gonzalez, Presidente ng Rotary Club of Cauayan, sinabi niya na napaka-sagrado ng dugo dahil ito ay nagbibigay ng buhay sa isang tao kaya naman patuloy ang kanilang pagsuporta at pakikiisa sa Dugong Bombo.

Aniya, maraming mga may sakit ang nangangailangan ng dugo kaya naman napakahalaga ng mga ganitong klase ng aktibidad lalo at mayroon nang blood bank sa Lungsod ng Cauayan na pwedeng pag-imbakan ng dugo na makatutulong sa mga nangangailangan.

Ayon naman kay Eric Cacabelos, Secretary of Rotary Club of the Philippines, malaking kaginhawaan para sa mga Isabeleño ang pagtatayo ng blood bank sa Cauayan City dahil hindi na kinakailangang magtungo sa Tuguegarao City para lamang kumuha ng dugo.

--Ads--

Inaanyayahan naman nila ang mga qualified donors na makibahagi sa Dugong Bombo upang mapunan ang suplay ng dugo sa mga blood banks at makasalba ng buhay.

Para sa Bombo Radyo Cauayan, ito ay ginaganap sa F.L. Dy Coliseum sa Lungsod ng Cauayan ngayong araw, ika-15 ng Nobyembre.