--Ads--

CAUAYAN CITY – Posibleng magpatupad ng ilang araw na rotational power interruption ang NGCP North Luzon dahil sa manipis na tustos ng kuryente.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Government Specialist at Regional Affairs Lead Specialist Malou Refuerzo ng NGCP North Luzon, sinabi niya na noong nakaraang araw ay naranasan ng Luzon ang kakulangan ng suplay ng kuryente kaya nag abiso sila ng yellow at red alert status.

Naranasan ang rotational power interruption sa Luzon kung saan sa nasasakupan ng NGCP Region 2 ay naitala ang isang oras na pagkawala ng kuryente sa Lalawigan ng Isabela.

Aniya ito ay dahil sa isinasagawang manual load dropping ng NGCP upang mapanatili ang power transmission service sa mga electric cooperatives.

--Ads--

Malaki ang demand ngayon ng kuryente sa mga consumer dahil sa init ng panahon kaya kinukulang ang suplay ng kuryente na nagegenerate ng NGCP.

Ayon sa NGCP may mga powerplant na kasalukuyang nakashutdown for maintenance kaya hindi full capacity ang naitatransmit na suplay ng kuryente.

Base sa projection ng NGCP posibleng magpapatuloy ang mga power interruptions hanggang ikapito ng Hunyo ngunit kanilang nilinaw na maaaring magbago ito dahil hindi consistent ang suplay ng kuryente.

Hinikayat naman ng NGCP ang mga consumer na magconserve o magtipid ng kuryente lalo na sa peak hours na alas dyes ng umaga,alas dos ng hapon at alas syete ng gabi.

Tanggalin na lamang sa saksakan ang mga appliances na hindi naman ginagamit dahil gumagamit pa rin ang mga ito ng kuryente kahit pa nakastand by mode.

Ang bahagi ng pahayag ni Government Specialist at Regional Affairs Lead Specialist Malou Refuerzo ng NGCP North Luzon.