--Ads--

Nakaligtas sa isang rocket-propelled grenade (RPG) attack si Shariff Aguak Mayor Akmad Mitra Ampatuan ngayong araw, Enero 25, sa Poblacion ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Kinumpirma ito ng kanyang secretary na si Anwar Emblaw.

Ayon kay Emblaw, hindi nasaktan ang alkalde dahil agad itong nailayo sa lugar, ngunit dalawang miyembro ng kanyang security detail ang tinamaan at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Batay sa CCTV footage, sakay ng isang puting mini van ang mga salarin. Bumaba ang isa sa mga suspek at pinasabugan ng RPG-7 ang sasakyan ng alkalde kaninang umaga.

Matapos ang insidente, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang Datu Unsay Municipal Police Station, katuwang ang 2nd Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit, Maguindanao del Sur Police Provincial Office, at 90th Infantry Battalion ng Philippine Army. Sa naturang operasyon, napatay ang mga pinaghihinalaang suspek sa pananambang.

--Ads--

Kinilala ng PNP-BARMM ang mga nasawi na sina Budtong Pendatun, alyas “Rap-Rap”; Teks Pendatun; at alyas “Puasa.”

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.