Naging matagumpay ang katatapos na Regional Schools Press Conference (RSPC) Region 2 na ginanap sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, sinabi nitong naging mapayapa ang buong aktibidad at walang naitalang problema sa naturang pagtitipon.
Aniya, ang venue ng RSPC ay nag-iiba taon-taon, na umiikot sa iba’t ibang Schools Division Offices (SDOs) sa rehiyon. Ngayong taon, napili ang bayan ng Tumauini dahil sa relevance level ng distrito at sa bukas na pakikiisa ng mga lokal na opisyal.
Sa kompetisyon, overall champion ay ang SDO Cagayan, pumangalaw ang SDO Isabela, pangatlo ang SDO Tuguegarao, at sinundan ng SDO City of Ilagan sa ikaapat na pwesto.
Dagdag pa ni Dr. Paragas, ang mga kwalipikado sa darating na National Schools Press Conference (NSPC) na gaganapin sa Ormoc City ay ang mga nag-champion sa individual at group contests.
Ipinahayag din ng ilang SDO-Region 2 ang kanilang pagsisikap na magbigay ng cash incentives sa mga nanalong estudyante bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap.
Pinasalamatan ng Regional Director ang mga magulang sa patuloy na suporta sa kanilang mga anak at pinaalalahanan ang mga mag-aaral na ipagpatuloy ang kanilang pagsasanay at pagsusulat.










