--Ads--

Noong Lunes, dininig ng Regional Trial Court (RTC) sa Lapu-Lapu City ang mosyon upang ipawalang-bisa ang mga warrant of arrest na inihain ng mga abogado ng mga akusado sa kasong P96.5-milyong “ghost” flood control project sa Davao Occidental.

Inihain ni Atty. Michael David ang mosyon para ipawalang-bisa ang warrant laban sa kanyang kliyente na si Sarah Discaya, isang government contractor na naaresto at nakulong noong nakaraang buwan dahil sa umano’y hindi umiiral na flood relief project sa probinsya.

Gayundin, naghain ng mosyon ang mga abogado ng DPWH District Engineer Rodrigo Larete at walong iba pang opisyal ng DPWH Davao Region upang ipawalang-bisa ang impormasyon at mga warrant laban sa kanilang mga kliyente.

Iginiit ng mga abogado na walang hurisdiksiyon ang RTC Branch 27 sa Lapu-Lapu City dahil hindi mataas ang ranggo ng kanilang mga kliyente, na may salary grade na mas mababa sa 27.

--Ads--

Batay sa Supreme Court guideline na inilabas noong Nobyembre, inilipat ng RTC Branch 20 sa Malita, Davao Occidental ang venue ng kaso patungong Lapu-Lapu City, bilang bahagi ng pagtatalaga ng mga RTC bilang special courts para sa mga kasong may kinalaman sa infrastructure projects.

Ngunit iginiit ni Torregosa na hindi pormal na naipaalam sa kanyang kliyente ang desisyon hinggil sa paglilipat ng venue.
Samantala, si Atty. Marie Josephine De Vera mula sa Office of the Ombudsman Mindanao ay naghain din ng mosyon na ibalik ang venue sa RTC Branch 20 sa Malita, Davao Occidental.

Nakatakdang resolbahin ng korte sa Lapu-Lapu City ang mga mosyon bago ang Enero 13, 2026, na itinakdang araw ng arraignment ng lahat ng akusado.

Ang mga akusado ay hindi pisikal na dumalo sa pagdinig, bagkus ay naka-video conference mula sa Lapu-Lapu City jail.