CAUAYAN CITY – Nagbabala ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board o RTWPB sa mga employer na hindi susunod sa itinakdang wage increase sa Lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Divine Grace Cristobal Senior Labor and Employment Officer ng RTWPB Region 2, sinabi niya na ang mga employer na hindi susunod ay maaaring pag multahin ng 25,000 pesos hanggang 100,000 pesos o kaya pagkakakulong na aabot sa dalawang taon ang mga hindi susunod sa ibabang wage order na epektibo sa October 17, 2024.
Sa kabuuan ay may 30 pesos na umento sa sahod ang bawat manggagawa sa Region 2 na ipapatupad ng lahat ng mga private establishment.
Mula sa dating 450 pesos ay 480 pesos na ang minimum monthly wage ng bawat manggagawa sa Lambak ng Cagayan.
Maliban sa mga pribadong empleyado ay may umento rin sa sahod ang mga kasambahay kung saan mula sa 5,500 pesos na kada buwan na sahod ay magiging 6,000 pesos na ito mula October 17,2024.
Aniya, ginagawa nila ang lahat ng knailang makakaya para maiparating sa bawat employer ang bagong wage order.
Dagdag pa niya na mahalagang ipatupad nila ito dahil magiging mabigat ang parusang ipapataw sa mga hindi tatalima dito.
Samantala, maaring magpasa hanggang December 15, 2024 ng exemption para sa dagdag sahod ang mga may ari ng establisyemento na regular na kumukuha ng mga manggagawa na hindi hihigit sa sampu gayundin ang mga negosyong naapektuhan ng mga kalamidad o human-induced disasters.
Hindi rin sakop ng taas sahod ang mga Barangay Micro Business Enterprises alinsunod sa Republic Act 9178 o Micro Business Enterprises Act of 2002.