
CAUAYAN CITY – Inaasahang maglalabas ng desisyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board o RTWPB Region 2 sa dagdag na sahod ng mga manggagawa sa katapusan ng Abril o unang bahagi ng Mayo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Joel Gonzales ng DOLE Region 2 na ngkaroon na sila ng pagpupulong noong nakaraang linggo para pag-usapan ang kautusan ni kalihim Silvestre Bello III ng DOLE na ireview ang minimum wage sa mga rehiyon sa bansa.
Bilang tugon sa kautusan ng kalihim ay nireview na ang mga impormasyong mayroon sila sa employment, prices at iba pang economic growth.
Nakita nila na ang pinakahuli nilang data ay nagrereflect lamang noong Pebrero na wala pang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon kay Regional Director Gonzales, dadaan sa masusing pagreview ang kautusan ng kalihim dahil marami ang kailangang ikunsidera.
Bilang bahagi ng proseso ay irereview nila ang kanilang socio economic data kaya umaasa siya na pagkatapos ng kanilang pakikipagpulong sa National Wages and Productivity Commission ngayong linggo ay magkakaroon ng general marching order para sa RTWPB.
Aniya, ang formal review nila ay kasama ang pananawagan sa pampublikong pagdinig at konsultasyon.
Ikukunsidera rin ang mga employer dahil lahat ngayon ay umaaray sa epekto ng pandemya at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis kaya umaasa sila na sa pagtatapos ng review ay patas na matutugunan ang pangangailangan ng lahat.
Batay sa kautusan ng kalihim ng DOLE ay Abril o Mayo dapat matapos na ang pagreview kaya sa huling bahagi ng Abril o unang bahagi ng Mayo ilalabas na nila ang resulta.
Sa ngayon ang minimum wage sa ikalawang rehiyon ay 370 pesos at wala pa namang petisyon mula sa mga manggagawa na itaas ang arawang sahod.










