Pabor ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board – Region 2 sa inihaing panukala na bumubuwag sa Provincial Rate sa pamamagitan ng pagtatatag ng Uniformed National Minimun Wage.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Johnny Alvaro, Labor Representative ng RTWPB Region 2, sinabi niya na malaking tulong ang naturang panukala para sa mga manggagawa subalit maaari rin umano itong makaapekto sa hanay ng mga employer.
Gayunman, ang hakbang na ito ay isa umanong tamang proseso upang matukoy kung ano nga ba talaga ang naayon na minimum na sahod ng mga manggagawa.
Isa rin sa mga dapat tutukan ng ahensya pangunahin na ng Department of Labor and Employment ay ang compliance rate ng mga employer pagdating sa mga ganitong pagbabago sa sahod.
Nilinaw naman ni Alvaro na walang kapangyarihan ang wage board pagdating sa monitoring ng implementasyon ng mga ipinatutupad na wage increase, kaya naman hinihikayat nila ang mga manganggawa na magtungo sa tanggapan ng DOLE kung sakali mang hindi sila nakatatanggap ng tamang pasahod.











