--Ads--

CAUAYAN CITY – Umaasa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board Region 2 na makakatalima ang lahat ng mga employer at negosyo sa nakatakdang P15 wage increase sa Lambak ng Cagayan dahil wala namang naghain ng exemption.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Sec. Heidelwina Tarrosa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board Region 2, sinabi niya na una na silang nakapagpalabas ng wage order noong nakaraang taon.

Naging epektibo ang unang umento noong October 2023 habang itinakda ang ikalawang umento noong unang araw ng Abril.

Mula unang araw ng Abril ay dapat naibigay na ng mga employer ang dagdag na P15 na umento sa sahod ng mga mangagawa.

--Ads--

Sa kasalukuyan ang sahod ng mga Non-Agricultural Sector ay P450 habang P430 naman sa Agricultural sector.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagsasagawa nila ng information dissemination para sa umiiral na wage increase para mapaalalahanan ang mga employer at mga negosyong tumalima sa mandato.

Nakatalaga naman ang inspectorate division ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa monitoring para matiyak na ibibigay na ang karagdagang sahod ng mga manggagawa.

Hihingin naman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng inspection report para makuha ang compliance rate sa buong Region 2.

Ang mga employer na mapapatunayang hindi tumalima sa umiiral nang minimum wage ay maaaring mapatawan ng parusa.

Hinihikayat naman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang mga employer na makilahok sa wage consultation dahil aasahan na magkakaron na ng wage review dalawang buwan bago magpaso ang wage order sa Oktubre kahit walang petition para sa wage increase.