Inihayag ni Russian Foreign Minister Sergey Lavrov ang kahandaan ng Russia na tulungan ang 11 members ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa krisis sa langis na dulot ng digmaan sa Middle East.
Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Russia, ipinaabot ni Lavrov ang mensaheng ito sa mga ASEAN envoys sa isang pagpupulong na pinangunahan ni Philippine Ambassador to Moscow Igor Bailen, na chairman ng ASEAN Moscow Committee (AMC). Pinag-usapan nila ang kasalukuyang sitwasyon sa Gitnang Silangan, ang posisyon ng Russia, at ang mga hakbang upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat ng panig.
Tiniyak din ni Lavrov ang suporta ng Russia sa agarang pangangailangan sa enerhiya ng mga ASEAN countries, kabilang ang langis, at muling pinagtibay ang suporta sa centrality ng ASEAN sa pagtataguyod ng matatag na seguridad at kooperasyon sa Asia-Pacific, na may respeto sa international law, pagkakapantay-pantay, at pagiging bukas.
Samantala, ang nag-iisang refinery ng Pilipinas ay nakaseguro na ng halos 2.5 milyong barrels ng Russian crude upang mapunan ang mabilis na nauubos na suplay ng gasolina, habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis dahil sa pansamantalang pagsasara ng Strait of Hormuz.











