Tila nasa “cloud nine” pa rin hanggang ngayon si Rynier Aaron Ian Gauiran Ramones, Rank 2 sa November 2025 Pharmacist Licensure Examination ilang araw matapos lumabas ang resulta ng pagsusulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rynier, sinabi niya na noong una ay hindi niya tinarget na maging topnotcher subalit habang nagre-review ay na-assess nito na tila kaya naman niyang makakuha ng mataas na marka sa exam.
Gayunpaman ay ikinagulat pa rin niya nang malamang hindi lamang siya basta nakapasa kundi isa rin siya sa mga nanguna.
Nasurpresa rin aniya ang kaniyang pamilya lalo na ang kaniyang Nanay dahil hindi niya ipinaalam na siya ay nag take na ng board exam kaya halos hindi rin makapaniwala ang mga ito sa nakamit niyang tagumpay.
Masama umano ang pakiramdam nito sa unang araw ng exam dala na rin ng puyat kaya hindi aniya aminado siyang hindi naging maganda ang kaniyang performance kaya na man bumawi siya sa ikalawang araw na nagbigay sa kaniya ng kumpiyansa na siya ay makakapasa.
Ayon kay Rynier, Medical Technology talaga ang gusto niyang kunin sa Kolehiyo subalit sa Pharmacy siya dinala ng tadhana na kalaunan ay natutunan niyang i-enjoy.
Iniaalay naman niya ang kaniyang tagumpay sa kaniyang magulang lalong-lalo na sa kaniyang Nanay na mag-isa nang nagtataguyod sa kanilang simula nang pumanaw ang kanilang Tatay noong 2023.
Nagpapasalamat din si Rynier sa mga naging bahagi kaniyang tagumpay pangunahin na sa kaniyang Pamilya, mga kaibigan, at sa Saint Louis University kung saan siya nagtapos ng Bachelor of Science in Pharmacy bilang Magna Cum Laude.






