CAUAYAN CITY- Pinatunayan ng isang sundalo na sa kabila ng paggampan sa kanyang tungkulin bilang tagapagtanggol ng bayan ay hindi pa rin niya napapabayaan ang tungkulin bilang mabuting ama at asawa sa kanyang pamilya.
Tampok sa Fathers Day Special ng Bombo Radyo Cauayan ang kwento ng sundalo na pinatatag ng panahon ngunit may pusong mamon para sa kanyang mga anak at asawa na si Lt. Col. Basilio Dumlao, ang camp commander ng 5th Infantry Division ng Philippine Army sa Upi, Gamu, Isabela.
Si Lt. Col. Dumlao ay may tatlong anak, dalawa sa kanila ay nakapagtapos na, isang accountancy at isang medicine habang ang bunso ay nasa grade school pa lamang.
Mahirap para kay Lt. Col. Dumlao na malayo sa pamilya lalo na nang maitalaga sa Sulu ngunit duon niya napagtanto na kapag tanggap at naipaliwanag sa pamilya ang kanyang obligasyon, mas magaan na lumayo pansamantala sa kanyang pamilya.
Sa bawat putok ng baril sa mga labanan, lagi niyang itinatanim sa kanyang isip na dapat makauwi siya ng buhay dahil may pamilyang naghihintay sa kanya.
Naniniwala si Lt. Col. Dumlao na bagama’t ang pagiging sundalo bilang tatay ay hindi madali ngunit mapapanatili ang maayos na pamilya kung ang isa’t isa ay may pagkakaunawaan sa bawat tungkulin ng isa.
Para kay Lt. Col. Dumlao, ang Fathers Day ay isa lamang na karaniwang selebrasyon sa kanya bilang sundalo ngunit nagiging espesyal ito tuwing natatanggap niya ang pagbati mula sa kanyang mga anak.




