--Ads--

Magtatapos ngayong Lunes, Marso 16 ang 10-araw na palugit na ibinigay ng House Committee on Justice kay Vice President Sara Duterte upang sagutin ang mga impeachment complaints laban sa kanya.

Sa ngayon, naghihintay pa rin ang mga mambabatas at publiko kung siya ay maghahain ng tugon o hindi.

Ang kanyang legal team na binubuo ng 16 na abogado, karamihan mula sa law firm na Fortun, Narvasa at Salazar, ay nagsumite na ng Appearance Ad Cautelam isang precautionary measure na hindi nangangahulugang kinikilala ang hurisdiksiyon ng komite.

Ayon sa komite, kung hindi magsusumite ng verified answer si Duterte, ituturing na waived ang kanyang karapatan at awtomatikong general denial ang magiging tugon sa mga paratang.

--Ads--

Dalawa sa tatlong reklamo laban kay Duterte ang idineklarang sufficient in substance ay inihain nina Fr. Joel Saballa at ilang miyembro ng simbahan at ni Atty. Nathaniel Cabrera

Kasama sa mga paratang ang Misuse of confidential funds, Bribery ng mga opisyal ng Department of Education at Unexplained wealth at hindi pagdeklara sa SALN

Umano’y pagkontrata sa isang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at Leyte Rep. Martin Romualdez

Ang mga alegasyon ay kapareho ng mga nagbunsod sa impeachment noong 2025, na kalaunan ay idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.

Samantala, patuloy na nakabinbin sa House of Representatives ang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, at inaasahang tatagal ang proseso lampas sa recess ng Kongreso sa Marso 18—maging maghahain man siya ng sagot o tatalikuran ang kanyang karapatan na magkomento.

Ayon kina Rep. Gerville Luistro chairperson ng House justice committee at Rep. Terry Ridon, kinakailangang baguhin ang kanilang kalendaryo lalo na kung hindi magsusumite ng sagot si Duterte sa itinakdang petsa.

Sinabi ni Luistro na kung hindi makapaghain ng tugon ang kampo ni Duterte, maaaring ituloy ng komite ang pagdinig sa Marso 17 o 18, mas maaga kaysa sa orihinal na iskedyul na Abril 8.

Ang Abril 8 hearing ay nananatiling “tentative,” matapos ideklara ng panel noong Marso 4 na ang mga reklamo nina Fr. Joel Saballa at Atty. Nathaniel Cabrera ay “sufficient in form and substance,” na nagbigay kay Duterte ng pagkakataong sagutin ang mga paratang.

Dagdag pa niya, maaari nang simulan ang pagtukoy sa sufficiency at hearing proper sa huling linggo ng buwan kung walang sagot mula sa Bise Presidente.

Ang Kongreso ay inaasahang mag-Lenten break mula Marso 18 at magbabalik-sesyon sa Mayo 4.

Kung susunod si Duterte sa 10-araw na deadline para magkomento, mas tatagal ang proseso dahil kinakailangan ding magsumite ng tugon ang mga kongresistang nag-endorso ng impeachment complaints.

Tatalakayin din ng panel kung paano haharapin ang partisipasyon ng dalawang abogado mula sa kampo ni Duterte, dahil may pangamba na maaari silang tawagin bilang mga saksi sa pagdinig.