Sinibak sa tungkulin ang isang opisyal ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) matapos nitong pahintuin ang isang ambulansyang may sakay na pasyente sa EDSA Busway.
Ayon kay Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez nitong Miyerkules, pinapayagan ang lahat ng on-duty na ambulansya na dumaan sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) Busway. Ang desisyon ay ipinaabot sa pamamagitan ng memorandum na ipinadala kay SAICT Special Operations Group (SOG) head Rayson Dela Torre.
Batay sa memorandum, pinara umano ni Dela Torre ang ambulansyang may sakay na pasyenteng may stage 4 cancer na papunta sa 6:00AM appointment nito sa doktor noong Martes. Sa kanyang ulat, sinabi ni Dela Torre na hindi naman emergency ang sitwasyon kaya’t hindi ito dapat payagang gumamit ng EDSA Busway.
Gayunpaman, nilinaw ni Lopez na anuman ang kondisyon ng pasyente, basta’t on-duty ang ambulansya, pinahihintulutan itong dumaan sa busway. Dahil dito, inalis si Dela Torre sa kanyang puwesto habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Inatasan din ni Lopez ang SAICT na magsagawa ng reorientation sa kanilang mga tauhan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap. Nagpahayag din ng pakikiramay ang DOTr sa pamilya ng pasyente at tiniyak na ipatutupad ang mga patakaran nang may malasakit at paglalagay sa kapakanan ng publiko sa unahan.
Samantala, sa isang nag-viral na Facebook post, ibinahagi na pumanaw na ang pasyenteng sakay ng ambulansyang nasangkot sa insidente.







