
CAUAYAN CITY – Arestado sa magkahiwalay na drug buy bust operation sa Santiago City ang magkaibigan na kinabibilangan ng anim na buwang buntis.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, unang dinakip ng mga kasapi ng Santiago City Police Office (SCPO) Station 2 sa Purok 4, Barangay Rosario ang buntis na si Alyas Che-che, 27-anyos at residente ng nabanggit na barangay.

Nakipagtransaksyon ang pinaghihinalaan sa isang pulis na nagpanggap na buyer bitbit ang isang pakete ng hinihinalang shabu kapalit ng P1,000.
Naitala namang Newly Identified Drug Personality ang suspek.
Sunod na naaresto ng mga kasapi ng SCPO Station 1 sa Purok Uno, Barangay Sagana ang isang salesman na si Chuck Nolie Cortez, 29-anyos at residente ng Poblacion Norte, Maddela, Quirino.

Katumbas ng P3,000 ay nakipagtransaksyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer ang suspek dala ang isang pakete ng hinihinalang iligal na droga.
Naitala bilang Street Level Individual si Cortez na dati nang nahuli dahil sa kaparehong kaso noong 2018 at nakalaya noong 2019.
Isinagawa ang naturang operasyon sa pakikipagtulungan ng mga naturang himpilan ng pulisya sa City Drug Enforcement Unit ng SCPO, Station Drug Enforcement Unit, City Intelligence Unit at ng PDEA Region 2.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga pinaghihinalaan.










