CAUAYAN CITY- Patuloy ang aktibong pakikilahok ng San Guillermo Police Station sa mga programa ng Philippine National Police (PNP) na naglalayong mapalakas ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ervin Langbayan, hepe ng San Guillermo Police Station, binigyang-diin niyang patuloy nilang tinututukan ang direktiba ni PNP Chief Nicolas Torre III ukol sa mabilisang responde sa anumang insidente.
Ayon sa opisyal, regular silang nagsasagawa ng simulation exercises upang masuri ang antas ng kahandaan at alertness ng mga PNP personnel na naka-deploy sa field operations.
Kaugnay nito, binabantayan din nila ang kalusugan at physical fitness ng mga tauhan bilang bahagi ng direktibang dapat ay physically fit ang bawat pulis upang maayos na gampanan ang kanilang tungkulin, lalo na kung kinakailangan ng pisikal na lakas at bilis.
Sa ngayon, wala pa silang naitatalang personnel na sobra sa timbang dahil mahigpit nilang sinusunod ang tamang Body Mass Index (BMI).
Mula 2016 hanggang 2022, may kabuuang 51 drug surrenderree na ang naitala sa San Guillermo. Mahigpit silang mino-monitor at isinasailalim sa random drug testing, kung saan wala namang lumalabas na positibong resulta. Bahagi ito ng adhikain ng PNP na mapanatili ang San Guillermo bilang drug-free municipality.
Upang mas mapalawig ang kaayusan, nagpapatrulya rin ang mga pulis sa mga liblib na lugar sa bayan. Regular ding bumibisita ang Pulis sa Barangay program kung saan isang beses kada buwan ay nagtutungo ang mga pulis sa kani-kanilang assigned barangay upang makipag-ugnayan sa mga residente.
Tinutulungan din sila ng mga kasaping BPATS (Barangay Peacekeeping Action Teams) na binubuo ng piling barangay officials upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa kani-kanilang mga nasasakupan.






