CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng masusing pagsisiyasat ang mga kasapi ng San Mariano Police Station upang matukoy ang ina ng sanggol na itinapon sa barangay Alibadabad, San Mariano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Staff Sgt. Jepee Millapre, tagasiyasat ng San Mariano Police Station kanyang sinabi na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen sa barangay Alibadabad at ipinaalam ang pagkakatagpo sa bangkay ng lalaking sanggol na bagong panganak pa lamang.
Batay sa resulta ng isinagawang Postmortem Examination ng Rural Health Unit ng San Mariano ang sanggol ay beinte kuwatro oras ng isinilang nang matagpuan ang bangkay nito.
Lumabas sa Initial finding ng RHU San Mariano na ang sanggol ay patay na nang itinapon sa malayo sa kabahayan o liblib at madamong lugar.
Umaabot sa pito hanggang walong buwan ang sanggol nang iniluwal ng ina.
Hinihinalang patay na nang lumabas ang sanggol dahil na-deformed ang kanyang ulo.
Bagamat naaagnas na ang lower extremities ng sanggol ay may palatandaan na lalaki ang sanggol.
Binigyan na ng disenteng libing sa public cemetery ang sanggol na pinangalanan nilang Angelito.
Patuloy ang masusing imbestigasyong ng pulisya upang matukoy ang ina ng bata na maaring maharap sa kasong intentional abortion.
Kinuha na nila ang listahan ng pangalan ng mga buntis na nakatakdang magsilang sa Barangay Alibadabad upang matukoy ang ina ng sanggol.
Samantala, inihayag naman ni Ginang Adelfa cañete residente ng Alibadabad, San Mariano, Isabela na ang biyenan ng kanyang kapatid ay nangunguha ng kabute nang mapansin niyang may nilalangaw malapit sa kanyang paa.
Nagulat na lamang siya nang makitang patay na sanggol ito kaya nagmadaling umuwi at ipinaalam sa kanilaa na agad naman nilang pinuntahan.
Agad naman nila itong ipinaalam sa kanilang Punong Barangay na nag-ulat sa himpilan ng pulisya.
Labis naman silang naaawa at naiiyak sa ginawa sa sanggol na basta na lamang itinapon at hindi man lamang binigyan ng disenteng libing.
Wala naman silang alam kung sino ang nagtapon sa sanggol.