Balak itaas ng Comelec ang Area of Concern Category ng San Pablo, Isabela matapos ang tangkang pananambang sa isang Sangguniang Bayan Member candidate at mga kasamahan nito.
Kung matatandaan ay nasugatan sina SB Member candidate Mark John Paul Tipon at dalawa pa nitong kasamahan habang sakay sila ng pick up truck.
Habang nasa Barangay Bungad, San Pablo, Isabela ay hinarang sila ng dalawang van at isang puting pick up truck kung saan bumaba ang dalawang suapek at pinaulanan sila ng bala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Election Officer Marirose Sibayan, sinabi niya na malaking dagok sa seguridad ng Munisipyo ang tangkang pagpatay kay SB member Candidate John Paul Tipon.
Kasunod ng insidente ay nagsagawa sila ng pagpupulong sa Municipal Joint Security Control Center na binubuo ng COMELEC, PNP, AFP, DILG at stakeholders para talakayin ang kasalukuyang security risk ng San Pablo na kamakailan lamang na-downgrade sa yellow security risk matapos ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections mula sa dating orange category.
Ang dahilan nila noon ay dahil sa walang gaanong naitalang insidente sa bayan ng San Pablo subalit hindi nila inasahan na muling magiging mainit ang usapin sa pulitika sa naturang Bayan lalo na sa mga taga-suporta ng bawat partido na sangkot sa pananambang.
Dahil sa insidente ay inirekomenda nila sa Provincial Joint Security Control Center (PJSCC) na ibalik sa orange o mas itaas pa sa red security risk category ang bayan ng San Pablo kasabay na rin ng pagka-relieve sa pwesto ng Hepe ng San Pablo Police Station at anim pang pulis na kasama sa response team na nag imbestiga at naghabol sa mga suspek.
Ang pansamantalang tumatayong Hepe ng PNP San Pablo ay si Deputy Chief of Police PLt. Floro Pascual.
Humingi na rin sila ng karagdagang pwersa ng PNP at AFP para sa quick response team sa lugar bilang paghahanda sa gagawing final feeding ng machines at maagapan na muling magkaroon ng engkwentro ang mga supporters ng mga kandidato.
Layunin ng bubuuing Quick Response Team na matiyak ang seguridad sa limang barangay sa San Pablo na may malaking bilang ng mga botante partikular sa Limbauan, Annanuman, Dalena, Tupa, Simanu Sur at Simanu Norte.
Sa ika-6 ng Mayo ay sisimulan na nila ang deployment ng mga makina na gagamitin sa halalan sa lahat ng polling center kung saan may dalawang pulis na maiiwan para sa seguridad kaya kukulangin ang 26 manpower ng San Pablo Police Station para sa seguridad ng nasa 16 polling centers sa naturang Bayan.
Aminado din siya na tuwing halalan ay madalas magkaroon ng indiscriminate firing sa San Pablo subalit hindi makakilos ang COMELEC dahil sa walang may gustong magsalita o magsumbong sa insidente.
Sa ngayon maliban sa tangkang pananambang ay wala pa naman silang naitalang harassment sa kanilang mga tauhan na namamahagi ng voter’s information sheets dahil may kanya-kanya namang aktibidad ang mga kandidato.
Nilinaw din niya na hindi maiiwasan ang vote buying at kung sakaling mayroon man ay required sa batas ang paghahain ng formal complaint laban sa kandidatong nagsagawa ng pamimili ng boto na ibibigay sa Committee on Kontra Bigay na siyang magpapasa ng reklamo sa forum o National Kontra Bigay Committee.










