
CAUAYAN CITY – Isang overseas Filipino Worker (OFW) na nakasabay sa OWWA bus ng COVID-19 positive mula Tabuk City, Kalinga ang kauna-unahang nagpositibo sa Angadanan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joelle Mathea Panganiban na isang 41 anyos na OFW mula sa Abu Dhabi, United Arab Emirates at residente ng San Vicente, Angadanan, Isabela ang kauna-unahang naitalang tinamaan ng COVID-19 sa kanilang bayan.
Ayon kay Mayor Panganiban, pagdating sa Pilipinas noong April 18, 2020 ay sumailalim siya sa PCR test at mandatory quarantine.
Negatibo sa PCR test ang OFW kaya siya nabigyan ng health clearance para makauwi noong June 5, 2020 sakay ng OWWA bus.
Dumating siya sa Angadanan, Isabela noong June 6, 2020 at sumailalim sa home quarantine.
Matapos malaman ng pamahalaang lokal ng Angadanan na nagpositibo ang isang OFW sa Tabuk City, Kalinga na nakasabay ng OFW mula sa San Vicente, Angadanan ay agad silang nakipag-ugnayan sa kanilang barangay para isailalim sa PCR test at lumabas na positibo siya bagamat walang nararamdamang sintomas.
Nak- isolate na ang OFW sa quarantine area ng Rural Health Unit (RHU) ng Angadanan, Isabela.
Ayon kay Mayor Panganiban, natukoy na nila ang first direct contact ng COVID-19 patient at nakatakda silang isasailalim sa PCR test.
Ang LGU na mismo ang magdadala ng kanilang specimen sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Lunsod ng Tuguegarao.
Isinailalim sa lockdown ang barangay San Vicente at magtatagal ang lockdown hanggang matapos ang contact tracing ng mga nakasalamuha ng OFW.
Ang LGU Angadanan ay ang magbibigay ng mga pangangailangan ng mga residente ng nasabing barangay.
Paalala ni Mayor Panganiban sa kanyang mga kababayan na huwag mabahala at sumunod lamang sa mga alintuntunin para manatiling ligtas sa COVID-19.




