Naglabas ang Sandiganbayan ng precautionary hold departure order (PHDO) laban kina Eric Yap at sa kapatid nitong si Edvic Yap kaugnay ng isyu sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, inaprubahan ng anti-graft court ang verified ex parte application para sa PHDO na inihain ng Office of the Special Prosecutor para sa Office of the Ombudsman.
Sa kanilang mosyon, tinukoy ng mga piskal ang resolusyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsasabing may “beneficial ownership, control, at financial interest” umano ang magkapatid sa Silverwolves Construction.
Ang kumpanyang ito ang nagsilbing contractor sa mga proyektong flood control sa La Union na iniulat na hindi natapos.
Nauna nang ipinag-utos ng AMLC ang pag-freeze sa mga ari-arian ng magkapatid dahil sa umano’y pagkakadawit sa flood control kickback scheme.











