--Ads--

Ipinatawag ng Sangguniang Bayan ng Reina Mercedes, Isabela ang kinatawan ng Mardeb Construction, ang contractor ng nasirang flood control project sa Barangay Malalatang Grande, upang marinig ang kanilang paliwanag kaugnay ng pagkasira ng naturang estruktura.

Layunin ng pulong na bigyan ng pagkakataon ang contractor na magpaliwanag kung bakit gumuho ang bahagi ng flood control structure na dapat sana’y nagsisilbing proteksyon laban sa pagbaha sa lugar.

Ayon kay Alexander Yagyagan, kinatawan ng MarDeb Construction, matibay umano ang pagkakagawa ng proyekto. Gayunpaman, ipinaliwanag niyang may mga hindi maiiwasang salik gaya ng pagpasok ng tubig sa ilalim ng estruktura na maaaring sanhi ng pagkasira.

Aniya, naglagay sila ng sheet pile sa ilalim ng proyekto bilang karagdagang proteksyon, ngunit nagkaroon ng puwang sa pagitan ng bagong gawa nilang bahagi at ng dating itinayong flood control structure ng ibang contractor. Posible umanong dito pumasok ang tubig na nagdulot ng undermining sa pundasyon.

--Ads--

Tiniyak naman ni Yagyagan na aakuin ng kanilang kumpanya ang responsibilidad sa pagpapatayo muli ng nasirang bahagi alinsunod sa kontrata na kanilang pinirmahan sa pamahalaan.

Dagdag pa niya, hindi na maaaring itayong muli ang estruktura sa orihinal nitong lokasyon dahil sa malawakang pagguho ng lupa sa lugar. Dahil dito, balak nilang itaas ang elevation ng muling itatayong flood control upang mas maging matibay at mas epektibong makontrol ang tubig.

Bilang bahagi ng kanilang responsibilidad, kakausapin din nila ang mga magsasakang posibleng maapektuhan ng bagong alignment ng proyekto.

Tiniyak din nilang hindi na hihingi pa ng karagdagang pondo sa pamahalaan dahil gagastusan nila ito gamit ang sariling pondo ng kumpanya.