--Ads--

Nagdiwang ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan matapos opisyal na mahalal si Isabela 6th District Representative Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong House Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sabay-sabay na tumutok ang mga konsehal sa live coverage ng sesyon sa Kamara kung saan idineklara si Cong. Dy bilang pinakamataas na opisyal ng Mababang Kapulungan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Atty. Paul Mauricio, sinabi nito na malaking karangalan para sa lungsod ng Cauayan na ang bagong lider ng Kamara ay nagmula mismo sa kanilang siyudad.

Ayon kay Mauricio, hindi maikakaila ang kahusayan, karanasan, at kwalipikasyon ni Cong. Dy, na matagal nang nagsilbi sa lalawigan ng Isabela bilang alkalde, gobernador, at bise gobernador bago maging kongresista.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang pagpili kay Dy ay malinaw na base sa kanyang magandang track record at patunay na kinikilala ng mga kapwa mambabatas ang kanyang kakayahan at pamumuno na angkop para sa pinakamataas na posisyon sa Kamara.

Ibinahagi rin ni Mauricio ang kanyang personal na karanasan sa pakikisalamuha kay Dy. Aniya, malapit ang puso ng bagong Speaker sa sektor ng edukasyon, at labis na pinahahalagahan siya ng mga guro sa Cauayan dahil sa mga programang kanyang naipatupad para sa kanilang kapakanan.

Para sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan, ang pagkakahalal kay Cong. Bojie Dy ay hindi lamang isang karangalan para sa kanilang lungsod, kundi isang makasaysayang tagumpay na magbibigay inspirasyon sa buong Isabela.