CAUAYAN CITY – Gumagawa na ng paraan ang pamunuan ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 2 para maayos ang mga broken insulator na sanhi ng tatlong gabi nang patay-sindi na ilaw sa mga lugar na nasasakupan ng feeder 3.
Sakop ng feeder 3 ang sub-station sa Baligatan, City of Ilagan kaya ang brownout ay nararanasan din sa Gamu, Isabela tuwing peak hours mula alas otso ng gabi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni General Manager Dave Solomon Siquian ng ISELCO 2 na nagpulong sila ng kanyang mga tauhan at tinalakay ang mga gagawing hakbang para malaman ang tunay na sanhi ng brownout.
Sa kanilang pagmonitor kagabi ay natuklasan nila ang mga fault indicator.
Dahil aniya sa maraming gumagamit ng koryente at panahon pa ng tag-init ay nangyayari ang trip off bunsod ng mga nag-crack na linya ng insulators.
Ayon pa kay General Manager Siquian, babalik sila sa site para isa-isahin na suriin ang mga poste para makita ang mga transformer at broken insulator.
Bago ipatupad aniya ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay mga nakatakdang maintenance ngunit natengga dahil hindi nakalabas sa kanilang mga bahay ang mga kawani ng ISELCO 2.
Humingi ng paumahin si Ginoong Siquian sa mga member-consumers.
Iginiit niya na hindi sila nagpapabaya at ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para malutas ang suliranin.
Hindi sinasadya ang pangyayaring ito kundi talagang nagaganap kapag mainit ang panahon at malakas ang konsumo sa koryente.
Sinabi ni GM Siquian na nauunawaan niya ang pakiramdam ng mga member-consumers kapag brownout ngunit hiniling niya iwasan din sana nila ang sobrang pagbatikos sa electric cooperative dahil hindi naman nila kagustuhan na mawala ang daloy ng koryente.