--Ads--

Pinarangalan ang Local Civil Registry Office – Santiago City sa culminating activity ng 36th Civil Registration Month na pinangunahan ng Philippine Statistics Authority – Isabela, bilang pagkilala sa kahusayan nito sa larangan ng civil registration sa antas panlalawigan.

Itinanghal ang tanggapan bilang 1st Place sa Extra Large Category, Most Outstanding Local Civil Registry Office sa lalawigan ng Isabela at Top 1 sa Civil Registry Document Submission para sa taong 2025.

Iginawad ang mga parangal batay sa mataas na antas ng pagsusumite ng mga dokumentong sibil at sa episyenteng pagbibigay-serbisyo sa publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Elinora Cofield, City Civil Registrar ng Santiago City, sinabi niyang bunga ito ng maayos na pagpaplano ng mga programa at aktibidad para sa mga residente.

--Ads--

Aniya, mahalaga ang pakikipagtulungan ng kanilang tanggapan sa mga barangay at kabataan upang mas mapalawak ang impormasyon hinggil sa kahalagahan ng civil registration, lalo na ang pagkakaroon ng birth certificate bilang pangunahing dokumento ng bawat mamamayan.

Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang pagsisikap na mailapit ang serbisyo sa komunidad upang mas maraming Santiagueño ang matulungan sa pagproseso at pagkuha ng mahahalagang dokumento.

Binanggit din niya na ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa kanilang tanggapan kundi para sa buong lungsod na kanilang pinaglilingkuran.