CAUAYAN CITY – Tinukoy ng Octa Research Group ang Santiago City na hotspot sa Isabela kaugnay ng mataas na kaso ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Prof. Guido David ng University of the Philippines (UP) at miyembro ng Octa Research Group na tinukoy na hotspot ang Santiago City dahil sa mataas na hospital occupancy na nasa 86%, halos 100% naman ang ICU occupancy, 28% ang positivity rate at marami na ang naitatalang kaso sa bawat araw.
Gayunman ang hospital at ICU occupancy rate ay para na sa buong lalawigan ng Isabela dahil maraming pagamutan ang matatagpuan sa naturang lunsod.
Aniya, naglalabas sila ng listahan ng mga hotspot areas para malaman ng mga tao na marami ang kaso sa isang lugar at doblehin ang pag-iingat.
Sa kabila naman nito ay hindi pa maituturing na may bagong variant ng COVID-19 na kumakalat sa lunsod at sa buong lalawigan.
Maari aniyang naging maluwag lamang sa pagpapatupad ng mga panuntunan kaya mabilis na tumaas ang kaso kaya mungkahi niya na higpitan ang pagpapatupad ng mga panuntunan lalo na ang pagsusuot ng facemask dahil hindi pa naman malala ang sitwasyon.











