--Ads--

Patuloy ang pagtanggap ng mga kliyente sa Santiago City Legal Aid Office para sa libreng payong legal, lalo na sa mga itinuturing na indigent o walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Glen Aquino, abogado ng Santiago City Legal Aid Office (SCLAO), sinabi nito na ang kanilang tanggapan ay nasa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Santiago City at pangunahing nagbibigay ng serbisyong legal sa mga residenteng kapos sa pananalapi.

Ayon kay Aquino, maihahambing ang kanilang opisina sa Public Attorney’s Office, subalit nakatuon lamang ang kanilang serbisyo sa mga indigent na residente ng Santiago City.

Gayunpaman, tumatanggap din sila ng mga walk-in clients para sa legal advice, kabilang na ang ilang nagmumula sa mga karatig-bayan gaya ng Echague.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Aquino ang mga kinakailangang dokumento para sa mga residenteng nais mag-avail ng kanilang serbisyo. Kabilang dito ang Community Tax Certificate o Cedula, Voter’s Certification, Certificate of Indigency mula sa barangay na nagpapatunay na hindi lalampas sa ₱6,000 ang buwanang kita, at Certificate of Indigency mula sa City Social Welfare and Development Office.

Hinikayat ng opisina ang mga kwalipikadong residente na magtungo sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng kaukulang payong legal at tulong.