CAUAYAN CITY – Naitala ng City Health Office ang kauna-unahang kumpirmadong kaso ng Pertussis sa lungsod ng Santiago.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, ang Chief ng Santiago City Health Office, kinumpirma niya na isang 31 days old baby ang tinamaan ng naturang sakit sa nasabing lungsod.
Pinacheck-up pa ang sanggol sa CHO at nabigyan nang gamot ngunit nagtuluy-tuloy ang kanyang ubo.
Dahil dito ay pina-admit siya sa Southern Isabela Medical Center noong ikadalawamput dalawa ng Abril dahil sa matinding ubo at nakuhanan ng specimen kung saan lumabas ang resulta ng test na kumpirmadong kaso ng Bordetella Pertussis.
Matapos malaman ang impormasyon ay agad na nakipag-ugnayan ang City Health Office sa tinitirhan ng pamilya para sa contact tracing.
Ayon kay Dr. Manalo, naging madali naman ang contact tracing dahil nakipagcooperate ang mga residente ng Purok 3, Brgy. Rizal kung saan nakatira ang pamilya ng sanggol.
Maliban dito ay nagsagawa rin sila ng pagbabakuna sa dalawang purok ng barangay at sa ngayon ay booster dose ng Pentavalent Vaccines na ang kanilang ibinabakuna sa 130 na batang edad dalawa hanggang bago mag-limang taong gulang.
Nasa mabuti na rin aniyang kalagayan ang sanggol at patuloy ang pagmomonitor sa kanya maging ang mga naging close contacts nito upang masubaybayang mabuti ang kanilang kalusugan.
Hinimok naman ni Dr. Manalo ang magulang na pabakunahan ang mga anak para maiwasan na tamaan ng sakit.