CAUAYAN CITY – Nakapagtala ang lungsod ng Santiago ng unang kaso ng pagkasawi dahil sa sakit na dengue.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer sinabi niya na isang dalawampung taong gulang na babaeng geodetic engineering student ang nasawi sa lungsod matapos tamaan ng sakit na dengue.
Itinuturing naman ng CHO na isolated case pa lamang ito kaya hindi sila naalarma.
Batay sa report ng City Epidemiological Surveillance Unit, nakapagtala ng siyamnapung kaso ang lungsod mula noong buwan ng Enero habang ngayong Hulyo ay mayroong siyam na kaso.
Mababa ang treshold kaya hindi nila inasahan na may masasawi sa mga naitalang nagkasakit.
Aniya nag-OJT ang nasabing estudyante sa lalawigan ng Quirino kung saan sila ay naglinis at pag-uwi sa lungsod ng Santiago ay masama na ang pakiramdam hanggang iadmit na sa ospital.
Tinitingnan ngayon ng CHO kung sa Santiago City nakuha ng estudyante ang sakit na dengue o sa bahagi ng Quirino.
Nakatakda naman silang mag-spray sa bahay ng estudyante at hinihintay lamang na ito ay mailibing dahil kasalukuyan pang nilalamayan.
May mga katabing kabahayan namang natapos nang isprayan ng barangay matapos makitaan ng mga kiti-kiti.
Tiniyak ni Dr. Manalo na magpapatuloy ang gagawing pag-spray sa mga kabahayan upang maiwasan na ang pagkakatala ng dengue.